Behikulo ng mayor hinarang
MANILA, Philippines - Hinarang ng tinatayang 12 miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang behikulo ng isang alkalde at dinisarmahan ang apat na security escorts nito kabilang ang isang pulis sa Gingoog City, Misamis Oriental kamakalawa.
Kinilala ni Army’s 4th Infantry Division (ID) Spokesman Lt. Col. Triumph Dominic Bagaipo ang isa sa mga nadisarmahan ng cal.38 revolver na si PO2 Diosdado Abanil
Ayon kay Bagaipo, naganap ang insidente habang bumibiyahe ang sinasakyang Isuzu Dmax ni Gingoog City Mayor Ruthie Guingona sakay ang apat nitong escorts na sina Abanil at tatlong sibilyan sa kahabaan ng highway ng Brgy. San Luis ng lungsod dakong alas-8:30 ng umaga.
Nagkataon namang hindi sakay ng nasabing behikulo si Gingoog City Mayor Guingona kaya ang security escorts nito ang napagdiskitahang disarmahan ng mga armadong rebelde.
Kinuha ng mga rebelde ang isang cal 38 revolver ni Abanil, isang base radio, handheld radio, hand grenade at iba pa. Tinutugis na ng security forces ang mga nagsitakas na rebelde. (with trainee Mary Ann Chua/ Mary Joy Mondero)
- Latest
- Trending