6 nursing students, 1 pa nalunod
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa anim na nursing students at isang 12-anyos na babae matapos malunod habang magkakasamang naliligo sa dagat ng Infanta Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga namatay na kolehiyala ay sina Karen May Efren,18; Marisma Macabuag,18; Jovel Ortiz,19; Kristine Regis,18; Camille Soriano,19; at si Jezelle Mijarez,18, pawang mga 3rd year students ng La Concordia College sa Maynila.
Natagpuan ding patay ang isang12-anyos na si Jona Rose Francia na anak ng may-ari ng bahay na tinuluyan ng mga nursing stude samantalang isinugod naman sa Claro M. Recto Memorial District Hospital sa bayan ng Infanta ang 8 estudyante.
Ayon kay PO1 Adrian Coralde, si Vyera Ramirez, ay inilipat sa isang ospital sa Maynila matapos malagay sa kritikal na kondisyon.
Sa pahayag ni Allen delos Reyes, Infanta municipal information officer, dumalo ng community health nursing training sa Barangay Pinaglapatan ang mga estuyante nang magkayayaang mag-swimming bandang alas-4:30 ng umaga.
Sa naunang ulat mula kay P/Senior Supt. Erickson Velasquez, lumilitaw na lulan ng bangka ang mga biktima at sa pag-aakalang mababaw na ang tubig sa dagat ay magkakasunod na nagtalunan habang papadaong sa isang isla kung saan naganap ang trahedya.
Subalit sa pagtutuwid ng Infanta PNP, naliligo na ang 15 estudyante sa dagat nang biglang nag-high tide hanggang sa hampasin sila ng malalakas na alon at tangayin sa malalim na bahagi ng dagat.
Kaagad naman nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad hanggang sa masagip ang siyam na biktima kung saan napasugod ang mga opisyal ng La Concordia College mula sa Maynila matapos malaman ang insidente. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending