125 aso nailigtas sa katayan
PANGASINAN, Philippines —Tinatayang aabot sa 125 aso na dadalhin sana sa katayan sa Baguio City ang nailigtas ng pulisya sa magkahiwalay na checkpoint noong Linggo ng gabi sa Barangay Gomez sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan.
Base sa police report, naunang nasabat ng pulisya ang L300 (WGB 180) ni Jayson Ortega na naglalaman ng 60 aso mula sa San Pedro, Laguna.
Samantalang nailigtas naman ang 65 iba pang aso sa Kia Besta van (WSM 587) nina Wilfredo Maravilla at Benjamin Abante na kapwa nakatira sa bayan ng San Pedro, Laguna.
Ayon kay P/Insp. Fernando Elcano, ang dalawang van ng mga suspek ay nasita sa Comelec checkpoint bilang bahagi ng implementasyon ng total gun ban nang madiskubre na may lulang mga aso na sinasabing ipagbibili sa mga karinderya sa Baguio City.
Kasunod nito, kalaboso rin ang binagsakan ng isang 19-anyos na si Arsenio Cabinta Jr ng La Trinidad, Benguet makaraang makumpiskahan ng 400 kilong karne ng aso sa loob ng kanyang Toyota FX sa Barangay Cablong, Pozorrubio, Pangasinan noong Sabado ng umaga.
Pormal naman kakasuhan ang mga suspek base sa pinaiiral na RA8485 o ang Animal Welfare Act of 1998. Cesar Ramirez
- Latest
- Trending