Dalagita dedo sa frat initiation
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Maagang nagwakas ang kinabukasan ng isang tinedyer makaraang aksidenteng mabaril sa isinasagawang fraternity initiation sa bayan ng Biñan, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director, ang biktimang si Glacy Monique Dimaranan, 15, high-school student ng Lakeshore National High School at residente ng Barangay San Antonio, Biñan, Laguna.
Arestado naman ang mga suspek na sina Erwin Del Rosario, 33; adviser ng Scout Royal Blood Fraternity; Richard John Layacan, 28; at apat pang kabataang pawang mga menor-de-edad.
Samantala,pinaghahanap naman ang iba pang suspek na sina Edwin Salandanan at Liberty Del Rosario.
Ayon sa police report, tinutukan ng baril ni Salandanan ang ulo ng biktima hanggang sa ito ay pumutok bandang alas-6:30 ng gabi sa #228 Miranda Apartment, Barangay San Vicente, Biñan, Laguna.
Sa isinagawang follow-up operation, narekober mula sa mga suspek ang isang slug ng 9mm, 2 bala ng baril, 4 paddles, cal. 22 rifle, ibat-ibang bala at mga drug paraphernalias. Arnell Ozaeta at Ed Amoroso
- Latest
- Trending