Maglola nalibing sa landslide
RIZAL, Philippines – Isang maglola ang namatay nang matabunan ng lupa ang kanilang bahay sa Barangay San Isidro, Antipolo City na bunsod ng pagguho ng isang bahagi ng bundok dito kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Conchita Rosimo, 68 anyos, at apo niyang si Edraline, apat na taong-gulang, kapwa residente ng Block 29, Lot 9 Sitio Tanglaw, Barangay San Isidro.
Sugatan din sa insidente ang ina ni Edraline na si Rose, 26 anyos.
Lumilitaw sa imbestigasyon na, mahimbing na natutulog ang mga biktima nang gumuho ang isang bahagi ng bundok bunsod ng malakas na pag-ulan sa kanilang lugar hanggang sa matabunan ng lupa ang kanilang bahay.
Nagawa namang maiahon agad ng mga kaanak at kapitbahay si Rose kaya nailigtas ito habang wala nang buhay nang mahukay ang bangkay ng maglola.
Inilikas naman ng lokal na pamahalaan ang ilan pang mga residente na naninira han sa gilid ng bundok sa naturang sitio dahil sa pangambang maulit ang pagguho ng lupa na nagiging malambot kapag sumasapit ang panahon ng tag-ulan.
Nangako naman si Antipolo Acting Mayor Rolando Leyble na bibigyan ng tulong pinansyal ang pamilya Rosimo habang inalerto na ang kanilang mga tauhan sa posibleng iba pang pagguho ng lupa sa iba pang “danger zone” ilang lugar ng lungsod.
- Latest
- Trending