15 bayan sa Ilocos Norte nasa state of calamity
BAGUIO CITY, Philippines – Aabot sa 15 bayan sa Ilocos Norte na sinasabing lumubog sa tubig-baha dahil sa matinding hagupit ng bagyong “Isang”noong nakalipas linggo ang isinailalim na sa state of calamity.
Kabilang sa mga bayang sinalanta ng bagyo ay ang Dingras, Nueva Era, Paoay, Batac, Adams, Pinili, Piddig, San Nicolas, Banna, Marcos, Solsona, Sarrat, Pasuquin, Pagudpud at bayan ng Currimao.
Base sa ulat ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) umabot sa 143 barangay ang naapektuhan na binubuo ng 10,000 pamilya na katumbas ng 44, 579 indibiduwal.
Maaaring gamitin ng provincial government ang emergency funds para maipamahagi sa mga pamilyang nawalan ng kabuhayan sa kani-kanilang bayan partikular na ang mga magsasaka.
Idineklara na rin ng Sangguniang Panlalawigan ang buong Ilocos Norte na isailalim sa state of calamity matapos irekomenda ng provincial disaster and coordinating council at ng Mayors’ League of Ilocos Norte, ayon kay Governor Michael Keon.
Sa kasagsagan ng bagyong “Isang” noong Hulyo 17, umapaw ang mga ilog, at irrigation canal kung saan naapektuhan ang lahat ng highway sa nabanggit na lalawigan na nagresulta para ma-stranded ang mga motorista sa loob ng ilang oras.
Naapektuhan din ng landslide ang hilagang bahagi ng mga bayan kung saan aabot sa 135 baka at 18 kalabaw ang nalunod, ayon sa ulat ni Dr. Loida Valenzuela ng provincial veterinary office.
Sa tala ng provincial engineering office, aabot na rin sa P4.2 milyong halaga ang nawasak sa mga panlalawigang lansangan habang inaalam pa ng mga awtoridad ang nawala sa agrikultura. Artemio A. Dumlao
- Latest
- Trending