2 off'l ng AFP, 11 pa sinibak
MANILA, Philippines – Sinibak sa puwesto ang kumander ng Philippine Army habang isinailalim naman sa restricted custody ang isang tinyente at iniimbestigahan ang 11-iba pang sundalo matapos masangkot sa kaguluhan na ikinasawi ng isang pulis at dalawang sibilyan sa Brgy. Tibal-og, sa bayan ng Sto. Tomas, Davao del Norte noong Miyerkules.
Ayon kay Army’s 10th Infantry Division Commander, Major General Reynaldo Mapagu, si Lt. Col. Victor Tan ng Army’s 72nd Infantry Battalion ay sinibak sa puwesto alinsunod sa pinaiiral na command responsibility sa katiwalian ng mga tauhan nito.
Itinalagang kapalit ni Tan si Lt. Col. Leopoldo Imbang, ex-executive officer ng Army’s 1001st Infantry Brigade.
Bukod sa pagsibak ay isasailalim sa restricted custody si Lt. Eriberto Sanggalang habang ang 11 iba pang sundalo ang iniimbestigahan.
Nag-ugat ang kaguluhan matapos na magpasimuno si Sanggalang na sapilitang kinuha ang bangkay ng kasamahang sundalo na si Corporal Arnold Toriano na napatay nang makipagbarilan sa mga pulis dahil sa pamamaril at pagkakapatay kina Kagawad Arnel Concencino, Deding Biangke, driver ng Terminal Facilities and Services Corporation at kay PO2 Fritz Rasonabe.
Napag-alaman na maging ang patrol car ng Sto. Tomas PNP ay hinagisan din ng granada ni Toriano kung saan tinawagan nito si Sanggalang at sinabing napa-engkuwentro ito sa mga armadong kalalakihan. - Joy Cantos
- Latest
- Trending