Kusinero natodas sa rabis
CAMARINES NORTE, Philippines – Sa takot na mahawahan ng kamandag ng askal, ay magkakasunod na nagpaturok ng anti-rabis ang mga costumer ng isang restaurant sa bayan ng Daet matapos kumalat ang balita na namatay kamakalawa ang kusinero nito dahil sa kagat ng asong kalye.
Sa tala ng Provincial Vete rinarian Office sa pamumuno ni Dr. Edgardo Gonzales, lumilitaw na nakagat ng asong kalye na may rabis ang biktimang si Leonardo Quibral, 24, ng Brgy Gabon, matapos ihatid ang kanyang nobya sa Pandawan, Brgy 5 sa bayan ng Mercedes noong Pebrero 18, 2009.
Lumalabas sa imbestigasyon ni Gonzales na binalewala ng biktima ang kagat ng asong kalye at patuloy pang nanilbihan sa nasabing kainan bilang kusinero at stay-in din sa restaurant.
Naramdaman lamang ng biktima ang sintomas ng rabis noong Lunes ng Marso 9, subalit hindi na naagapan ng mga doktor at namatay sa Camarines Norte Provincial Hospital.
“Huwag mabahala ang mga customer na kumain sa nasabing restaurant dahil sa hindi nakakahawa ang positibo sa rabis maliban lamang kung ito ay nakipaghalikan, nakipag-inuman sa iisang baso o may tumalsik na laway sa pagkaing inorder,” paliwanag ni Gonzales.
Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa rabis, hindi nagawang maglagay ng pondo ang provincial government para sa gamot kontra rabis.
Base sa talaan, umaabot na siyam-katao ang namamatay dahil sa kagat ng asong kalye. Francis Elevado
- Latest
- Trending