P1.7 milyon 'damo' nasamsam
BAGUIO CITY – Tinatayang aabot sa 42 kilong pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1.7 milyon ang nasabat ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawa-katao sa isinagawang operasyon sa Naguillan Road sa Baguio City kamakalawa ng gabi.
Sumasailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Domingo Tongali at Martin Madin, kapwa naninirahan sa bayan ng Bakun, Benguet.
Ayon kay P/Chief Inspector Edgar Apalla, naharang sa checkpoint ang 42-bricks ng marijuana na sinasabing tinabunan ng mga gulay habang lulan ng trak na may plakang ZKM 699.
Nadiskubre ang bultu-bultong marijuana matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng PDEA-CAR kaya naglatag ng checkpoint sa Naguilan Road sa may hangganan ng Brgy. Lamtang, La Trinidad at sa Brgy. Irisan, Baguio City.
Tumanggi naman pangalanan ng PDEA ang pagdadalhan ng marijuana habang isinailalim na sa masusing pagmamanman.
Patuloy namang minomonitor ng PDEA-CAR ang operasyon ng sindikato ng droga na sinasabing ibinibiyahe sa karatig lalawigan at Metro Manila. Artemio Dumlao at Danilo Garcia
- Latest
- Trending