NPA attack: Anak ng kabesa todas
Napaslang ang anak na lalaki ng isang brgy chairman habang nasugatan naman sa engkuwentro sa mga nagrespondeng awto ridad ang dalawang kumander ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kamakalawa sa bayan ng Malita, Davao del Sur.
Kinilala ang nasawing biktima na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at hita ay nakilalang si Roy Garcia, 11, anak ni Brgy. Tical Chairman Romeo Garcia.
Batay sa report ng AFP- Eastern Mindanao Command, naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga nang lusubin ng mga rebeldeng ang bahay ni Chairman Garcia sa Barangay Tical ng nasabing bayan.
Ayon kay Col. Lyndon Panisa, commander ng Army’s 39th Infantry Battalion, lumaban ang mag-ama sa mga rebelde bago pa man dumating ang nagrespondeng mga brgy. tanod at ang mga tauhah ng 1104th Provincial Police Mobile Group.
Gayon pa man, minalas na tinamaan sa ulo at hita ang biktimang si Roy na nasawi nang isugod sa Davao Medical Center sa Davao City.
Sa putukan ay nasugatan din ang dalawang opisyal ng NPA rebs na tinukoy sa mga alyas Kumander Junior at Kumander Vevian.
Narekober naman ang isang granada, mga basyo ng bala ng M14, M16 Armalite riffle, at .45 caliber pistol, holster ng .45 caliber pistol, towel na may pangalang Vevian at Jerry at apat na T-shirt. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending















