Joyce Jimenez, 3 pa sugatan sa road mishap
Apat-katao kabilang ang tinaguriang pantasya ng bayan at sexy actress na si Joyce Jimenez ang nasugatan makaraang apat na ulit na bumaliktad ang sinasakyang wagon dahil sa pag-iwas sa kasalubong na truck sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Anonas sa Urdaneta City, Pangasinan kahapon ng madaling-araw.
Si Jimenez, Joyce Herrin Reintergrado sa tunay na buhay, 29, ng The Marilena Townhomes sa Quezon City ay nagtamo ng mga sugat sa mukha at iba pang bahagi ng ka tawan at nasa ligtas na kondisyon.
Kabilang pa sa mga biktimang sugatan ay ang drayber ni Joyce na si Sandy Juno, 47, ng Cubao, Quezon City; Diosdado Espiritu, 38; at Cathleen Transporte, 37, personal assistant ng actress.
Ang mga biktima ay naunang isinugod sa Sacred Heart Hospital sa Urdaneta City bago inilipat sa Medical City Hospital sa Pasig City.
Sa report ng regional police, naitala ang sakuna dakong alas-3:30 ng madaling-araw ang insidente habang lulan ng Toyota wagon (WBJ 101) ang mga biktima.
Si Joyce ay kasalukuyang pabalik na sa Maynila kasama ang tatlo pang biktima mula sa taping sa Baguio City nang maganap ang sakuna.
Napag-alamang may ilang ulit na nagpagulung-gulong ang sasakyan ng mga biktima sa palayan na pag-aari ni Mario Coloma matapos na mawalan ng kontrol dahil sa pag-iwas sa kasalubong na truck at dahil naka-seatbelt si Jimenez na nasa unahan ng sasakyan at natutulog ay nakaligtas sa karit ni kamatayan.
- Latest
- Trending