5 testigo vs ‘killer mayor’ lumutang sa NBI
Lumutang kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) ang limang bagong testigo sa kumukumpirma sa mga naunang pahayag ng self-confessed killer na si Elmo Numancia na sangkot ang dating alkalde ng Agusan del Sur at asawa nito sa serye ng pagpatay at pagdukot na may kaugnayan sa pulitika.
Humarap si Numancia sa NBI-Anti Organized Crime Division kasama ang limang testigo na hindi muna pinangalanan na nagpapatunay na may katotohanan ang ibinunyag ni Numancia laban kina dating Trento, Agusan del Sur Mayor Escolastico Hitgano Sr. at asawa nitong si incumbent Mayor Irenia Hitgano.
Bukod dito, tatlong complainant na rin ang nagbigay ng kanilang testimonya sa NBI laban sa mag-asawang Hitgano kabilang si Helen Apura, 41, asawa ng napaslang na si Alex Apura na pinagbabaril habang nakikipagpulong sa bahay ng kanilang Brgy. Chairman na si Elmer Ampolitod noong Mayo 3, 1998.
Sinabi rin ng isa pang complainant na si Candelaria Saranza, 55, ng Purok Poblacion, na isinunod namang patayin ang kanyang asawang si Antonio Saranza Sr. na nagsilbing campaign manager ng dating mayoralty bet na si Francisco Ong noong Mayo 22,1998.
Una nang nagbigay ng salaysay si Numancia sa NBI na inutusan siya ni ex-Mayor Hitgano na patayin ang mga biktimang sina Islaw Llames at Jun “Puga” Fuentes kapalit ng P5,000 hanggang P10,000.
Binigyan din siya ng listahan na kanyang itutumba kasama ang pinakahuling pinatay na si Tony Saranza.
Gayunman, nilinaw ni Numancia na hindi siya ang pumatay kay Saranza nitong Mayo 2007 makaraang tumanggi itong isagawa ang planong pagpatay.
Habang sinusulat ang ulat na ito, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kampo ng mag-asawang Higano.
Nakatakdang iharap ng NBI sa mga mamamahayag ngayong araw ang naturang self-confessed killer.
- Latest
- Trending