5 bagets binoga sa sayawan |
CAMP CRAME  Limang kabataang lalaki ang iniulat na nasa kritikal na kalagayan makaraang pagbabarilin ng senglot na barangay tanod sa idinaos na sayawan sa Barangay Sabog, Maasin, Leyte kamakalawa. Kabilang sa mga ginagamot na biktima sa West Visayas State University Medical Center at Junjuay District Hospital ay sina Narciso Motivo, 18; Ariel Almirante, 13; Dina Obeja, 17; Panfilo Almirante,11; at si April Rose Velasco. Arestado naman at pormal na kinasuhan ang suspek na si Nicholas Pareja, barangay tanod ng nasabing barangay. Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naitala ang insidente dakong alas-8 ng gabi kung saan nag-amok ang senglot na suspek na armado ng shotgun sa idinaraos na sayawan. Matapos mamaril ay nakorner naman ang suspek ng mga rumespondeng pulisya
. (Edwin Balasa)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City  Kalaboso ang binagsakan ng isang 42-anyos na babae na pinaniniwalaang shabu pusher makaraang masakote ng mga alagad ng batas sa isinagawang drug bust operation sa Barangay Bapor, Legazpi City kahapon ng umaga. Ang suspek na nakumpiskahan ng hindi nabatid na gramo ng shabu ay nakilalang si Beth Almonicar ng Barangay Kinamaligan, Legazpi City. Napag-alamang may nagbigay ng impormasyon sa pulisya tungkol sa modus operandi ng suspek kaya agad naman nasabat habang sakay ng traysikel na pinaniniwalaang patungo sa karatig barangay para dalhin ang droga. Pormal naman kinasuhan ang suspek habang nakapiit sa himpilan ng pulisya.
(Ed Casulla)
14 batang kargador nasagip sa pier |
CAMP CRAME  Aabot sa labing-apat na menor-de-edad na pinaniniwalaang ginagawang kargador ang naisalba ng mga awtoridad mula sa shipping firm sa pribadong pantalan sa bahagi ng Ilang Village, Davao City, ayon sa ulat kahapon. Base sa ulat, sinalakay ng pulisya ang Solid Shipping Lines noong Sabado ng umaga matapos ang pagkamatay ng isang 13-anyos na batang lalaki. Napag-alamang hindi nagkasundo ang mga magulang ng biktimang nasawi at ang pamunuan ng kompanya sa pagbabayad kaya inereklamo sa kinauukulan. Ang nasabing raid ay ikinagulat din ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil hindi nila akalain na napakaraming menor-de-edad ang ginagawang kargador ng nasabing kompanya Dahil dito, sinampahan na ng kasong Republic Act 9231 (Anti-Child Labor Act) ang may-ari ng shipping line.
(Edwin Balasa)
Mayor Barzaga sa Kongreso |
CAVITE  Makikipagsapalaran si Mayor Pidi Barzaga ng Dasmariñas, Cavite na tumakbo sa Kongreso sa nalalapit na mid-term May 14 elections. Ito ang naging desisyon ni Mayor Barzaga upang lalung lumawak ang kanyang paglilingkod, hindi lamang sa bayan ng Dasmariñas kundi sa pitong bayang sakop ng ikalawang distrito ng Cavite. Sa ikatlo at huling termino ni Mayor Barzaga sa munisipalidad ng Dasmariñas, hindi matatawaran ng mga Kabitenyo ang kanyang mga nagawang proyekto at programa kaugnay sa pagpapaganda at pagpapaunlad ng nasabing bayan. Para lalong mapalawak ang paglilingkod ni Barzaga ay nagdesisyon itong kumandidato sa pagka-kongresista.
(Cristina Timbang)
Planong ‘vote buying’ tinuligsa |
BORBON, Cebu  Nagbabala ang multisectoral group Diskarteng Pinoy para sa Kaunlaran (Diskarte) laban sa modus operanding "vote-buying" ng mga desperadong politikong lokal, kasabay ng pag-endorso sa kandidatura sa pagka-mayor ni incumbent Vice Mayor Bernard "Butch" Sepulveda at ni incumbent Mayor Neal Vergara bilang bise-alkalde sa bayang ito. Ayon kay Diskarte founding chairman Junex Doronio, malakas ang pananalig sa kakayahan nina Sepulveda at Vergara upang mapaunlad ang bayan ng Borbon at magiging "tourist destination" sa hilagang silangan ng Cebu. "Huwag po tayong magpalinlang sa ilang kandidato na binibili ang ating mga boto sa pamamagitan ng mga pansamantalang trabaho at kung anu-anong pangako," dagdag pa ni Doronio. Nangunguna naman sa listahan ng Diskarte sa mga konsehal si incumbent Councilor Roy D. Melgo na ilang taon nang napatunayan ang dedikasyon sa pagtulong sa mahihirap sa bayan ng Borbon.