1 patay, 6 sugatan sa road mishap
December 17, 2006 | 12:00am
BATAAN Malungkot na Kapaskuhan ang mararanasan ng pamilya ng isang kawani ng provincial capitol matapos na masawi sa naganap na road mishap na ikinasugat din ng anim pang iba sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Calaylayan, Abucay, Bataan kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Marilyn Carandang y Ayson, 23, ng #218 Centro Dos Batangas Dos, Mariveles, Bataan. Ginagamot naman sa Isaac Catalina Medical Center at Saint Joseph Hospital ang mga sugatang sina Eliseo Yambao, Louie Cotejar, Erlinda Espino, Alson Jun Domingo at Almira Samson na pawang naninirahan sa bayan ng Samal at Orani, Bataan. Sa ulat, nasalpok ng jeepney (PCR-676) ni Michael Santos ang sasakyan (CFM-770) ng mga biktima na minamaneho naman ni Rodolfo Reyes. Dahil sa naganap na sakuna ay nasawi ang biktima habang sumuko naman sa pulisya si Santos. (Jonie Capalaran)
NUEVA ECIJA Nangangamba ngayon ang mga residente ng Barangay Labi, Bongabon, Nueva Ecija na gumuho ang kabahayan at maraming buhay ang nasawi dahil sa patuloy na pagkakaingin sa kabundukang sakop ng Nueva Ecija at Aurora. Ayon kay Victor Bilog na dating Kumander Bilog at ngayon ay nagbalik-loob sa pamahalaan, natitibag na ang ilang bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre dahil sa patuloy na ginagawang pagsusunog at pagbubuwal ng mga punongkahoy sa Sitio Baung, Salubusub at Campo Martyr sa Barangay Labi, Bongabon, Nueva Ecija. Nakaamba na rin ang panganib na gumuho ang bahagi ng Barangay Dupinga, Gabaldon, Labi, Bongabon, Nueva Ecija. Salungat sa sinasabi ng ilang magkakaingin na pawang mga lumang kahoy ang inuuling, subalit mga punongkahoy na red lawaan, baktikan, saplungan at narra pa ang nakikita ng grupo ni Ka Victor na ginagawang uling. Napag-alamang pansamantalang huminto ang pagkakaingin sa Barangay Villa, Maria, Aurora dahil sa banta ni Commander Maning ng New Peoples Army na kapalit ng isang punongkahoy ay katumbas ng isang ulo ng tao. (Christian Ryan Sta. Ana)
CAMARINES NORTE Aabot sa 18-kahong gamot na nagkakahalaga ng P.5 milyon ang ipinamahagi ng mga miyembro Camarines Norte Radio Amateurs Group (CANORA) sa mga biktima ng bagyong "Reming" sa Kabikulan. Personal na tinanggap ni PNRC Chairman Mirasol "Toots" Panotes ang ibat ibang uri ng gamot kina CANORA President Arnel Cu at Norman Ong. Ang PNRC-Camarines del Norte chapter ay tumatayong namamahala sa pamimigay ng relief goods at gamot sa Albay at Legazpi City. Ang mga gamot na nalikom ng nabanggit na grupo ay mula sa mga negosyanteng mula sa Metro Manila ay bukas ang palad na tumulong sa mga biktima ng nakalipas na bagyo. (Francis Elevado)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest