December 3, 2006 | 12:00am
Isa na namang mamamahayag ang pinagbabaril sa ulo ng dalawang hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay sakay ng motorsiklo sa bahagi ng Iloilo kamakalawa ng hapon, ayon sa ulat ng National Union of Journalists of the Phils. kahapon. Base sa ulat ng Iloilo City-based Guardian newspaper, kinilala ang biktima na si Arnie Pullan ng bayan ng Estancia, Iloilo na isang blocktimer brodkaster sa Manila Broadcasting Companys Radyo Nation station. Lumilitaw na kaaalis pa lamang ng biktima sa nasabing istasyon ng radyo sakay ng motorsiklo na kaangkas ang provincial board member na si Butch Aclaro nang tambangan bandang alauna ng hapon noong Biyernes. Nasapol ang biktima sa ulo ng dalawang bala ng baril na pinaniniwalaang mga bayarang mamamatay-tao ang kumana. Ang biktima ay host sa "Mayors Hour," isang blocktime program ni Estancia Mayor Rene Cordero. Samantala, hindi naman nagbigay ng comment ang mga alagad ng batas tungkol sa motibo ng krimen.
Holdap ulit sa aircon bus |
SURIGAO CITY Naging inutil ang kapulisan sa Caraga Region na masugpo ang lumalalang kriminalidad sa ibat ibang bayan matapos na holdapin ng tatlong armadong kalalakihan ang pampasaherong aircon bus na pag-aari ng Bachelor Express, Inc. sa kahabaan ng Barangay Donya Rosario sa bayan ng Tubay, Agusan del Norte. Ayon sa ulat, nagpanggap na mga pasahero ng bus (LBY-950) ang tatlong kalalakihan na sumakay sa bahagi ng bayan ng Tubay saka nagdeklara ng holdap. Tinangay ng mga holdaper ang ilang celfone ng mga pasahero at P7,000 koleksyon ng konductor ng bus bago inatasan ang drayber na si Alex Alejandro Sayco na huminto sa bahagi ng Sitio Calooy at nagsibaba na ang tatlo. Inatasan na ni Caraga Police Regional Director Chief Supt. Antonio Dator Nanas si P/Senior Supt. Jerome Pagaraganto, Agusan del Norte police provincial Director na magsagawa ng manhunt operation laban sa mga holdaper.
(Ben Serrano)
4 Tsino sa shabu lab inilipat sa provincial jail |
AURORA Inilipat na sa Aurora Provincial Jail ang apat na Tsino na nasakote sa isinagawang raid sa shabu lab sa bayan ng Dingalan noong buwan ng Agosto 2006. Kabilang sa inilipat ng kulungan mula sa Maynila ay sina Sy Tho, Wang Tha Ti, Chin Na Chua at Chen Chien. Ayon kay Judge Armando Yanga, presiding judge ng Regional Trial Court-Branch 66, ang apat na nakapiit ngayon sa cell #7 at cell # 8 ay ineskortan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation para sa seguridad. Sinabi rin ni Judge Yanga na wala siyang magagawa kundi ibasura ang motion for reconsideration ng NBI na manatiling nakakulong sa main office sa Taft Avenue, Manila ang mga suspek. Siniguro naman ng NBI ang kalagayan at seguridad ng apat ng Tsino sa nabanggit na kulungan. Nabatid na nangamba ang NBI sa mababang bakod ng compound ng provincial jail, subalit siniguro ng mga opisyal ng kulungan na may contingency plan para rito ang mga guwardiya.
(Christian Ryan Sta. Ana)
31 kilo ng marijuana sinunog sa Baguio |
CAMP CRAME Aabot sa tatlumpong kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakumpiska sa apat na kalalakihan ang sinunog ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency sa Baguio City kamakalawa. Sa ulat ng PDEA, nilinaw nito na may mga kaso na ring nakabinbin sa korte ang ilang suspek na nakumpiskahan ng marijuana kaya mas mainam na sunugin para hindi akalain ng taumbayan na muling maipapakalat. Kabilang din sa sumaksi ay ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at ilang sugo ng non-government organization sa Cordillera. Para maiwasan ng mga residente sa Cordillera ang pagtatanim ng marijuana ay binigyan ng pamahalaan ng mga mapagkukunan ng ikabubuhay tulad ng mga buto ng cutflower at yacon production.
(Angie Dela Cruz)