Karahasan sa Cavite lumalala
August 8, 2006 | 12:00am
CAVITE Naging inutil ang kapulisan sa lumalalang karahasan sa Cavite dahil sa patuloy na patayan sa magkakahiwalay na bayan ng Bacoor, Tanza at General Trias, Cavite kamakalawa. Base sa ulat, si Jaime Villacorta ng Barangay Buenavista 2, General Trias ay pinatay sa saksak ng suspek na si Allan Tarrayo. Samantala, ang estudyanteng si Rocky Ralph Perez at Rosanna Hernandez na naglalakad ay napagtripang pagbabarilin ng mga suspek na sina Romer Jorge at Roberto Flores Jr. sa bahagi ng Barangay Julugan, Tanza, Cavite. Kasunod nito, pinatay naman sa saksak ang biktimang si Mamerto Alcantara ng hindi kilalang lalaki na pinaniniwalaang adik sa droga sa bahagi ng Barangay Mambog 3, Bacoor, Cavite. (Cristina Timbang)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Dalawang rebeldeng New Peoples Army ang hindi sinikatan ng araw makaraang mapatay sa pakikipagsagupaan sa tropa ng 42th Infantry Battalion ng Phil. Army na pinamumunuan ni 2Lt. Dion Eliot sa liblib na bahagi ng Sitio Amlongan, Barangay Del Rosario sa bayan ng Buhi, Camarines Sur, kamakalawa. Hindi naman nabatid ang pagkikilanlan ng dalawang rebelde na nag-iwan ng dalawang malalakas na kalibre ng baril at ilang subersibong dokumento. Base sa impormasyon nakalap ng militar, ang dalawa na kabilang sa grupo ni Ka Asis ng NPA Front Committee 74 ay sangkot sa pananabotahe ng ilang cell site ng Globe sa nabanggit na lalawigan. (Ed Casulla)
TALAVERA, Nueva Ecija Hindi nakaporma sa karit ni kamatayan ang isang 69-anyos na barangay captain makaraang pagbabarilin ng dalawang maskaradong lalaki na sakay ng motorsiklo sa Barangay San Recardo, Talavera, Nueva Ecija noong Sabado ng hapon. Napuruhan sa dibdib ng bala ng baril si Agripino Martin y Pacson na may-ari ng Martin Agricultural Supply. Ayon kay P/Senior Supt. Alex Paul Monteagudo, provincial director, kasalukuyang nag-asikaso ng panindang fertilizer ang biktima nang lapitan ng dalawang hindi kilalang lalaki saka isinagawa ang pamamaslang. Wala naman maibigay na dahilan ang misis ng biktima sa motibo ng krimen. (Christian Ryan Sta. Ana)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest






















