Trike vs bus: Mag-utol patay
April 14, 2004 | 12:00am
ATIMONAN, Quezon Maagang kinalawit ni Kamatayan ang magkapatid na sakay ng traysikel makaraang sumalpok sa kasalubong na pampasaherong bus sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Sta. Catalina ng bayang ito kamakalawa. Hindi na umabot pa ng buhay sa Doña Marta Memorial Hospital ang mga biktimang sina: Maricel Regalario, 18 at Reamil Regalario, 8 na kapwa residente ng nabanggit na barangay. Sugatan naman ang drayber ng traysikel na si Remmiel Gonzales. Ayon sa pulisya, bandang alas-11 ng umaga, habang binabagtas ng traysikel ang kahabaan ng naturang highway patungong Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon nang pumutok ang unahang gulong kaya nawalan ito ng kontrol hanggang sumalpok sa kasalubong na bus na may plakang EAX-107. Sumuko naman ang drayber ng bus na si Roger Temida ng Albay. (Ulat ni Tony Sandoval)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest