Warrant of arrest vs Sandra Cam, 6 pa inilabas ng korte
MANILA, Philippines — Inutos na ng Manila City Regional Trial ang pag-aresto kay Philippine Charity Sweepstakes Office board member Sandra Cam at anim na iba pa kabilang ang kaniyang anak dahil sa kinakaharap na kasong pagpaslang sa bise-alkalde ng Masbate noong 2019.
Nabatid na Lunes nang mag-isyu ng arrest warrant si Manila RTC Branch 42 Judge Dinnah Aguila-Topacio laban kay Cam, anak niyang si Marco Martin Cam, Nelson Cambaya, Junel Gomez, Bradford Solis, Juanito De Luna, at Rigor dela Cruz.
Nahaharap sila sa kasong murder kaugnay sa kasong pagpaslang kay Batuan, Masbate Vice-Mayor Charlie Yuson III at frustrated murder kay Alberto Alforte IV na pinaulanan ng bala habang nag-aalmusal sa may Sampaloc, Maynila noong Oktubre 9, 2019.
Walang inirekomendang piyansa sa kasong murder habang itinakda sa P200,000 bawat isa ang piyansa sa kasong frustrated murder.
Nabatid na si Yuson ang tumalo kay Marco Martin Cam sa halalan noong 2019. Itinuro naman ng misis ni Yuson na si Lalaine si Cam na siyang utak ng pagpaslang dahil umano sa politika. Sinabi ng misis na unang nakita ang mga gunmen sa resort ni Cam sa Masbate.
Itinanggi naman ni Cam ang lahat ng akusasyon laban sa kaniya.
- Latest