Truck nasunog sa kalsada
MANILA, Philippines – Nagulantang ang mga motoristang bumibiyahe sa kahabaan ng Katipunan Avenue sa Quezon City makaraang maglagablab ang 12-wheeler container truck na naglalaman ng chicheria kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection, bandang alas-5:37 ng umaga ng magliyab ang container truck (RHW-185) na minamaneho ni Manny Segundo.
Nabatid na patungong bayan ng Marilao, Bulacan ang truck para ihatid ang mga produkto nang biglang may umusok sa gawing hulihan ng sasakyan.
Tinangka pang apulain ng driver ang umusok na truck subalit naubusan ito ng tubig at lalong naglagablab kaya nagpasya si Segundo na tanggalin sa pagkakakabit ang container van sa truck.
Tumagal ng ilang minuto bago maapula ang apoy matapos rumesponde ang mga pamatay sunog.
Wala namang nasaktan sa insidente pero nagdulot naman ito ng matinding trapik .
Pinaniniwalaang lose-connection ng linya ng kuryente sa truck ang isa sa sinisilip ng mga awtoridad kaya naganap ang insidente.
- Latest