PWD ginulpe, kinuryente sa loob ng bus

MANILA, Philippines — Isang person with disability (PWD) na sakay ng pampasaherong bus ang kinuyog, binugbog at kinuryente ng mga pasahero sa EDSA busway na naganap noong Hunyo 9.
Ang nasabing insidente ay nag-viral na ikinadismaya ng mga netizen dahil sa walang ginawang aksyon ang konduktor at driver ng bus.
Kaya naman ay ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang agarang pagsuspinde ng tatlong buwan sa lisensiya ng bus driver na si alyas “Mark Ivan” at kanyang konduktor matapos na hindi gumawa ng anumang hakbang sa pambubugbog ng kanilang mga pasahero ang sakay nilang PWD na si alyas “Macmac”, na may mental disability.
Nagpadala na rin aniya sila ng kautusan sa bus company na Precious Girls Transport upang magpaliwanag dahil may responsibilidad sila na pangalagaan ang kanilang mga pasahero.
Ayon kay Dizon, hindi katanggap-tanggap na walang ginawa ang mga ito habang binubugbog at kinukuryente ng mga pasahero ang isang PWD, na sakay din nila.
Giit ni Dizon, kargo o responsibilidad ng mga driver at konduktor ang mga pasahero habang sakay nila ang mga ito.
Dapat sana aniya ay humingi ng tulong ang mga ito sa DOTr-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) na nakakalat sa EDSA busway upang siyang umaksiyon sa pangyayari.
Nabatid na nakipag-ugnayan na rin aniya ang DOTr sa pamilya ng biktima na pinapunta niya sa kanyang tanggapan upang pagkalooban ng tulong dahil sa pinsalang tinamo ng biktima.
Masusi na rin aniyang iniimbestigahan ng mga otoridad ang pangyayari upang alamin kung bakit nauwi ang insidente sa pambubugbog at tutukuyin at aarestuhin ang mga taong nambugbog sa biktima.
- Latest