Buntis na nanay na nagpa-enroll ng 2 anak, todas sa bus
MANILA, Philippines — Isang ginang na buntis na rider ang nasawi habang sugatan ang dalawang anak nang mabangga ng bus ang sinasakyan nilang motorsiklo sa national highway sa Barangay Kayaga, Pandag, Maguindanao del Sur kahapon nang umaga.
Sa inisyal na ulat, pauwi na ang mag-iina matapos na mapa-enroll sa eskuwela ang dalawang anak na edad 10 at 11 nang banggain sila ng bus na kasunod nila sa daan.
Ayon kay Staff Sergeant Rizalde Sumensil ng Pandag Municipal Police Station, iniwasan umano ng bus driver ang mga lubak sa kalsada at nagbusina pa ito bago ang insidente.
“Yung bus driver, iniwasan niya ‘yung lubak-lubak na sementadong kalsada. Pagbusina niya, parang nagulat ‘yung driver ng motor. Kaya nabangga ng bus ang likuran ng motor, nahulog ‘yung babae, tumama sa unahan ng bus at napailalim sa gulong sa harap,” Sumensil.
Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang ina habang ginagamot naman ang dalawang anak.
Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang driver ng bus na posibleng maharap sa kaukulang kaso.
- Latest