Bigyan ng katarungan ang Maguindanao massacre victims – Alunan
MANILA, Philippines - Nanawagan si dating Department of Interior and Local Government Secretary Rafael Alunan III sa Department of Justice (DOJ) na pabilisin ang proseso ng paglilitis laban sa mga sangkot sa Maguindanao Massacre na nasa ikaanim na taon na kahapon.
Ayon kay Alunan, mahigit 150 testigo at libu-libong pahina na ang iprinisinta ng prosekusyon pero wala pa ring nahahatulan kahit isa ang special court sa ilalim ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes na may hawak sa kaso.
“Sa halalan noong 2010, nangako si Pangulong Aquino na mahahatulan sa kanyang pamumuno ang lahat ng sangkot sa Maguindanao Massacre pero matatapos na ang kanyang termino sa 2016 ay nasa depensa pa lamang ang paglilitis,” diin ni Alunan na kandidatong senador sa ilalim ng Bagumbayan Party kasama si dating senador Richard “Dick” Gordon.
Naganap ang masaker noong Nobyembre 23, 2009 sa Ampatuan, Maguindanao kung saan 58 katao ang namatay kabilang ang 34 mamamahayag na inilarawangpinakamalalang maramihang pagpatay sa miyembro ng Fourth Estate sa kasaysayan.
Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na umaasa ang Palasyo na bago bumaba sa puwesto si Pangulong Benigno Aquino III sa June 30, 2016 ay magkaroon na ng hustisya ang mga biktima ng Maguindanao massacre.
Kahapon ay ginunita ng National Press Club (NPC) sa pamamagitan ng isang kilos-protesta sa Mendiola.
- Latest