3 patay, 56 missing kay Kabayan
MANILA, Philippines - Tatlo ang naiulat na nasawi habang 56 ang nawawala nang manalasa ang bagyong Kabayan sa Luzon.
Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) sa Luzon na kahapon ay nadagdagan sa talaan ng mga nasawi ang biktimang si Artemio Quintero ng Infanta, Pangasinan na natagpuan na ang bangkay dakong alas-7:00 ng gabi kamakalawa na una nang napaulat na ito ay nawawala sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo noong nakalipas na linggo.
Una nang namatay ang dalawang biktima na sina Samuel Corcoro, 29 ng Maria Aurora, Aurora na nalunod at Raquel Camilo, 57 ng Bongabon, Nueva Ecija na natuklaw naman ng ahas na dala ng agos ng tubig baha.
Samantala, mula sa mahigit 100 na nawawalang mangingisda ay nasa 56 na lamang ang pinaghahanap.
Kabilang dito ay ang mahigit 30 mangingisda na mula sa Pangasinan, 19 pasahero ng pampasaherong bangka at iba pa.
Sa kabuuang 39 bangkang pangisda at pampasahero na lumubog sanhi ng malakas na alon na dulot ni Kabayan na may 215 tripulante ay nasa 158 ang nasagip.
Patuloy na ginagalugad ng rescue team ng Philippine Navy katuwang Philippine Coast Guard ang karagatan sa Luzon sa posibilidad na may masagip pa sa mga nawawala.
- Latest