15 JI terrorist namataan
MANILA, Philippines - Namonitor ng intelligence operatives ng Armed Forces of the Philippines ang may 15 miyembro ng mga pinaghihinalaang Jemaah Islamiyah (JI) terrorist sa rehiyon ng Mindanao.
Sinabi ni Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Brig Gen. Eduardo Año na ang mga nasabing JI terrorist ay kinabibilangan umano ng mga Malaysian at Indonesian na nagkakanlong sa mga balwarteng teritoryo ng Abu Sayyaf sa Sulu habang ang iba pa ay nasa pagitan lamang nang hangganan ng Maguindanao, Lanao at Cotabato.
Nabatid na apat sa mga JI terrorist ay kasama ng grupo nina Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron at Abu Jumdail alyas Doc Abu Pula na may hawak na mga dayuhang hostages sa Sulu, habang ang iba ay nagpapalipatlipat lamang sa hangganan ng Lanao at Maguindanao gayundin sa Cotabato.
Ayon pa sa opisyal na ang hinihinalang JI bomber na si Mohd Noor Fikrie Bin Abd Kahar na napatay sa Davao City noong nakalipas na Biyernes ng gabi ay nanggaling sa Cotabato na nagplano ng nasilat na pambobomba sa lungsod.
Nabatid naman kay Army’s 6th Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Caesar Ronnie Ordoyo na ang mga namonitor na JI terrorist sa Central Mindanao ay nagsasanay sa bomb making at markmanship training sa mga lawless groups sa lugar.
- Latest