Galanza na-challenge sa Nxled

MANILA, Philippines — Bagama’t laglag sa kanilang ikatlong sunod na kamalasan ang Nxled ay hindi nagkumpiyansa ang Creamline.
Itinakas ng Cool Smashers ang pahirapang 25-16, 22-25, 25-21, 15-25, 15-10 panalo sa Chameleons sa 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference noong Sabado.
“Sobrang ganda nila kalaban—’yung kailangan mong mag-isip, hindi ka lang basta papalo, hindi lang basta ipapasok. Alam mo ‘yon, kailangan mong mag-isip,” ani Jema Galanza na humataw ng 19 points sa pagdaig ng Creamline sa Nxled.
“Nacha-challenge din ‘yung composure namin. And ngayon, ‘yun talaga ‘yung nagpanalo sa amin,” dagdag ng 29-anyos na six-time PVL Best Outside Hitter awardee.
Dumiretso ang Cool Smashers sa kanilang pang-limang sunod na ratsada matapos ang opening day loss, habang nalasap ng Chameleons ang ikaapat na dikit na pagkatalo matapos ang 3-0 panimula.
Sina dating Petro Gazz stars Brooke Van Sickle, Myla Pablo at MJ Phillips ang muling nagdala sa Nxled.
“Ine-expect na po namin talaga ‘yun, since last year pa, buong conference ata, nakalaban namin, Petro (Gazz) pa sila pero same players, talagang umaabot ng fifth set eh,” wika ni Galanza.
Solo ng Cignal ang liderato bitbit ang 5-2 record kasunod ang PLDT (5-1), Creamline (5-1), Choco Mucho (3-3), Nxled (3-4), Akari (3-3), Farm Fresh (2-4), Capital1 Solar Energy (3-4), Galeries Tower (2-4) at ZUS Coffee (1-6).
- Latest
















