Gilas handa na vs Syria
MANILA, Philippines — Handa na ang Gilas sa tunay na laban simula bukas sa krusyal na Window 5 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers matapos umiskor ng kumbisidong 110-89 panalo sa tune-up game kontra sa Kuala Lumpur Hornbills ng Malaysia.
Dito ay nasukat ni head coach Tim Cone ang kalibre ng bagong naturalized player na si Bennie Boatwright kahit pa limitado lang muna ang naging aksyon.
Sa 1st at 3rd quarter lang sumabak si Boatwright para sa Gilas na nahirapan pang ipagpag ang KL sa 1st half bago kumawala tungo sa pambihirang 21-puntos na tagumpay.
Si Boatwright ang pumalit sa puwesto ni Justin Brownlee na siyang long-time naturalized player ng Nationals simula pa noong 2023 Southeast Asian Games at Asian Games subalit may iniindang injury.
Bukod kay Boatwright, pasado rin ang pagbabalik nina Mike Phillips at Quentin Millora-Brown matapos hindi makalaro noong nakaraang window kontra sa Jordan at Iran na sa Pilipinas ginanap.
Umalalay ang main core na sina Kai Sotto, AJ Edu, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Scottie Thompson, Chris Newsome, CJ Perez, Juan Gomez de Liaño at Troy Rosario na siyang humalili sa injured na si Rhenz Abando.
Ito lang ang natatanging tune-up game ng Gilas na inorganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas katuwang ang Malaysia Basketball Association subalit naging produktibo bago ang tunay na giyera nila.
May 4-4 kartada para sa ikalimang puwesto sa Group E, kailangan ng Gilas na manalo sa Syria bukas at sa Iran sa Linggo.
Tanging ang Top 3 teams lang kada grupo pati na ang best No. 4 team kasama ang Group F ang papasok sa 2027 FIBA World Cup sa Qatar.
- Latest
















