De Liaño, Arana bumida sa Converge

MANILA, Philippines — Tumipa si No. 2 pick overall Juan Gomez de Liaño ng triple-double habang humakot si center Justin Arana ng double-double sa 129-92 paggupo ng Converge sa Titan Ultra sa PBA Season 50 Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Kumolekta si de Liaño ng triple-double na 15 points, 10 rebounds at 11 assists para sa unang panalo ng FiberXers na nakahugot sa 6-foot-7 na si Arana ng 28 points at 22 rebounds.
“More adjustment pa, especially on defense at ‘yon ang kailangan namin for every game na dapat i-improve pa namin and make sure na i-enjoy ng mga bata iyong game,” sabi ni Pampanga Vice-Governor Dennis ‘Delta’ Pineda sa kanyang coaching debut.
Kumamada si Joshua Munzon ng 31 points sa panig ng Giant Risers na bigong maduplika ang naunang 100-96 panalo sa Meralco Bolts noong Miyerkules.
Nagkaroon si veteran forward Calvin Abueva ng injury at hindi na natapos ang laro kung saan nabaon ang Titan Ultra sa halftime, 41-60.
Kumonekta si Racal ng dalawang sunod na three-point shots kasunod ang triple ni de Liaño para sa 20-point lead, 47-27, ng Converge sa 7:06 minuto ng third quarter.
Ang basket ni FiberXers guard Alex Stockton ang tuluyan nang nagbaon sa Giant Risers sa 113-79 sa 5:10 minuto ng fourth quarter.
- Latest






















