Italy inakay ni Russo sa semis

MANILA, Philippines — Humataw si Roberto Russo ng 12 points para pagbidahan ang World No. 2 Italy sa 25-13, 25-18, 25-18 sweep sa World No. 15 Belgium patungo sa semifinals ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakabawi ang mga Italians, ang nagdedepensang kampeon sa world meet, sa mga Belgians na tumalo sa kanila sa group stage sa Pool F.
Nagdagdag si Alessandro Michieletto ng 11 markers tampok ang pitong blocks at may 10 points si Mattia Bottolo habang may 30 excellent sets si 2022 World Championship MVP Simone Giannelli.
“We did a good job in the whole department of the game. All the players were very focused because Belgium is not easy for us,” wika ni Italy coach Ferdinando de Giorgi na naging player ni Alas Pilipinas coach Angiolino Frigoni sa Italian club Acqua Paradiso Gabeca Montichiari noong 1980s.
Haharapin ng Italy, naghari sa torneo noong 1990, 1994, 1998 at 2002, sa semifinals ang mananalo sa quarterfinals duel ng World No. 1 Poland at World No. 14 Turkiye na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.
Kumamada si Ferre Reggers ng 13 points at may 11 markers si Sam Deroo para sa Belgium.
Bagama’t lumamang ang mga Belgians sa attacks, 37-35, ay nangibabaw naman ang mga Italians sa blocks, 6-1, at service ace, 8-1.
“We know that Belgium is a great and powerful team, but I’m really for this win,” wika ni Russo na tumipa ng anim na attacks, apat na blocks at dalawang service aces.
- Latest


















