Mojdeh humirit ng SEAG berth
MANILA, Philippines — Inilatag ni Micaela Jasmine Mojdeh ang pambato ng Behrouz Elite Swimming Team ang bangis nito sa 2025 PAI National Swimming Tryouts para makasungkit ng silya sa national swimming team na sasabak sa 2025 Southeast Asian Games na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.
Unang bumanat si Mojdeh nang pagreynahan nito ang women’s 200m butterfly sa bilis na dalawang minuto at 18.18 segundo para malampasan ang qualifying time standard (QTS) na 2:18.26 para masikwat ang kanyang tiket sa Thailand SEA Games.
Hindi pa nagpaawat si Mojdeh, ang tinaguriang ‘water beast’ sa swimming community, matapos magningning sa women’s 100m butterfly kung saan nagtala ito ng 1:01.89 para maabot ang 1:02.19 qualifying time.
Ito ang unang pagkakataon na masisilayan sa SEAG si Mojdeh matapos ang impresibong kampanya nito sa juniors division.
“I am so thrilled to be part of the SEA Games team. It has been a long time dream of mine. I am so excited for the line up for Philippine girls team. They are all amazing swimmers. I wish more men qualified though. The qualifying time of men was so competitive,” ani Mojdeh.
Tumulak na pa-Amerika kahapon si Mojdeh para simulan ang kanyang college days sa University of Southern California kung saan magiging bahagi ito ng Trojans swimming team.
Maliban kay Mojdeh, pasok din sa national team si Filipino-British Heather White.
Unang umarangkada si White sa women’s 100m freestyle nang itarak nito ang impresibong 56.23 segundo — malayo sa QTS na 58.23 segundo.
Bumanat din ng magandang oras si White sa 200m freestyle tangan ang 2:05.40 para malampasan ang 2:07.17 qualifying bago magarbong tapusin ang kampanya nito bitbit ang 25.70 segundo sa 50m freestyle para maabot ang 26.13 qualifying norm.
- Latest
















