Manuel sa Phoenix na
MANILA, Philippines — Sa hinaba-haba man ng prusisyon ay sa trade rin ang tuloy matapos ilipat sa wakas ng Alaska si Vic Manuel patungo sa Phoenix sa isa na namang blockbuster trade kahapon sa PBA.
Itinulak ng Aces ang beteranong forward sa Fuel Masters kapalit si Brian Herula at tatlong draft picks, ayon sa kumpirmasyon nina head coach Jeff Cariaso at Phoenix team manager Paolo Bugia.
Ayon sa deal, aprubado na ng PBA ay nakuha ng Aces si Brian Heruela, No. 6 at No. 16 pick ng Fuel Masters sa 2021 PBA Rookie Draft na sahog pa ang first round pick sa 2022.
Bukod naman kay Manuel ay napunta sa Phoenix ang No. 7 at No. 19 pick ng Alaska sa inaabangang bigating draft proceedings sa Marso 14.
Matapos madismaya si Manuel sa alok na contract extension ng Alaska makaraang mapaso ang kanyang kontrata, nagdesisyon itong magpa-trade na lamang noong Enero. Nagkasundong muli ang magkabilang panig at pumirma ng bagong kontrata si Manuel matapos ang lagpas isang buwang negosasyon kabilang ang trade offers sa iba’t ibang koponan bago ang trade na ito.
“Finally, we have come to a deal with Phoenix that will give us a better opportunity to draft marquee talents in both rounds. Plus, it gives us an extra first-round pick next year,” ani Cariaso. “Representation should always be an extension of you. Good Luck, Vic.:
Umaasa ang Alaska na makakasikwat ng solidong big man sa No. 6 pick (na nakuha ng Phoenix mula sa Magnolia bilang bahagi ng Calvin Abueva deal) upang maipares kina Barkley Ebona, Rodney Brondial, Abu Tratter, Robbie Herndon, Jvee Casio, Mike DiGregorio at Jeron Teng.
Sa panig naman ng Fuel Masters ay nakakuha sila ng mabilis na kapalit ni Abueva matapos ang trade nito sa Hotshots kapalit si Chris Banchero at draft picks.
Makakasama ni Manuel sa kampo ni coach Topex Robinson sina Banchero, Matthew Wright, Jason Perkins, Justin Chua at RJ Jazul na kagagaling lang sa magiting na Final Four finish sa 2020 bubble season sa Clark, Pampanga.
- Latest