Lady Cardinals aasinta ng panalo sa Lady Pirates
MANILA, Philippines — Pakay ng Mapua University na makalapit sa tuktok kaya asahang gagawin ang lahat para makuha ang panalo sa Lyceum of the Philippines University sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na lalaruin sa FilOil Arena sa San Juan ngayon.
Natisod ang Lady Cardinals sa huli nilang laro kontra Arellano University, 28-26, 14-25, 25-22, 23-25, 10-15, kaya asahang ipaparada muli ni Mapua head coach Clarence Esteban sina Raissa Janel Ricablanca at Freighanne Seanelle Garcia para makabangon agad at masilo ang asam na panalo.
May kartang 7-4 ang Lady Cardinals, kasosyo nito sa No. 3 sa team standings ang University of Perpetual Help System DALTA habang nag-aagawan sa tuktok ang defending champion College of Saint Benilde at Letran na hawak ang tig-9-2 baraha.
Aarangkada ang Lady Cardinals at Lady Pirates sa alas-2:30 ng hapon pagkatapos ng banatan ng Emilio Aguinaldo College at Lady Knights sa alas-11 ng umaga.
Maliban kina Ricablanca at Garcia, huhugot din ng lakas si Esteban kina Nadine Angeli Berces, Alyana Nicole Ong at Therese Angeli Manalo.
May pag-asa rin ang Lady Pirates na makapasok sa Final Four dahil nasa pang-pitong puwesto sila bitbit ang 5-6 record, pagkatapos ng kanilang laro sa Mapua ay may anim na laban pa silang nalalabi.
- Latest