CEU, Marinero agawan sa No. 1
MANILA, Philippines — Liderato sa Group A papasok sa playoffs ang nakataya ngayon sa pagitan ng mga wala pang galos na koponang CEU at Marinerong Pilipino sa huling playdate ng 2019 PBA D-League Foundation Cup sa Paco Arena sa Maynila.
Bagama’t parehong pasok na sa playoffs at may twice-to-beat advantages hawak ang 5-0 kartada, hindi papapigil ang Scorpions at Skippers sa kanilang sagupaan sa alas-3:30 ng hapon para sa misyong makasikwat ng magandang momentum papasok sa quarters na sisiklab na sa Huwebes.
Sa iba pang laban, tangka ng BRT Sumisip Basilan-St. Clare (5-0) na makumpleto ang pag-sweep sa Group B sa pagharap sa tanggal nang Italiano’s Homme (1-4) sa alas-1:30 ng hapon.
Swak na rin sa quarters ang Black Mamba (3-2) subalit pakay pa rin ang tagumpay para sa magandang morale-booster kontra sa sibak na ring McDavid-La Salle Araneta (4-1).
Bilang dalawa sa paboritong koponan ngayong Foundation Cup, pinatunayan ng CEU at Marinerong Pilipino ang kanilang mga kalibre nang tambakan ang lahat ng limang kalaban nito sa Group A bago ang krusyal nilang sagupaan.
Pinakahuli nga rito ang 144-97 panalo ng Skippers kontra sa bagitong iWalk dalawang linggo na ang nakalilipas sa likod ni ex-PBA player Eloy Poligrates na nagpakawala ng 67 puntos para sa pinakabagong D-League record.
“Malapit na ang next round at kailangan namin lahat ng panalo para maganda momentum namin sa playoffs. Mahirap kalaban ang CEU pero gusto namin makuha yung top seed,” ani head coach Yong Garcia.
Bukod kay Poligrates, aatasan ni Garcia sina Mark Yee, JR Alabanza at Dan Sara na pangunahan ang kanilang atake upang masolo ang Group A papasok sa playoffs.
Subalit hindi madaling kalaban ang CEU na determinado ngayong conference matapos ang runner-up finish noong nakaraang conference.
“We’re playing a veteran team. We have to come out, be ready, and compete with them. We just have to make sure that they will not be able to establish their experience sa amin,” sabi ni head coach Franz Pumaren.
Inaasahang bibida sa atake ng Scorpions ang big man na si Maodo Malick Diouf na nagpakawala ng muntikang triple double na 19 puntos, 21 rebounds at 7 blocks sa pambihirang 126-76 panalo nila kontra Hazchem noong nakaraang linggo.
Nakatakdang umalalay sa kanya sina Dave Bernabe, Franz Diaz, Kurt Sunga at kapitan na si Rich Guinitaran.
- Latest


















