Chris Ross nagpresintang practice player ng Gilas
MANILA, Philippines — Nag-alok ng tulong ang San Miguel point guard na si Chris Ross sa Gilas Pilipinas sa idinaraos nitong paghahanda para sa nalalapit na 2019 FIBA World Cup sa China ngayong Agosto.
Ito ay kahit pa bilang practice player kasama ang 19-man pool ni head coach Yeng Guiao halos isang buwan na lang bago ang world basketball championships stint nila sa Foshan na nakatakda mula Agosto 31 hanggang Setyembre 15.
Ayon kay Ross ay nag-ugat ang naisin niyang makatulong sa Nationals dahil sa minsan ay kulang-kulang ang mga miyembro ng training pool upang makapagsanay sila nang puspusan.
Bukod dito ay sa Ortigas lang din malapit sa Meralco Gym naninirahan si Ross kaya’t magiging madali para sa kanya aniya ang pagdalo sa ensayo ng Gilas kung tatawagin nga ang kanyang serbisyo.
Ang pagboboluntaryong ito ni Ross ay sa kabila ng katotohanang hindi siya maaaring makapaglaro para sa Pilipinas bilang local player.
Kapareho ni Ross ng kaso ang iba pang Fil-Ams na matagal na sanang nais ibandila ang bansa sa international basketball subalit hindi maaaring makunsidera bilang local player dahil sa hindi nakakuha ng Philippine passport bago mag-edad 16-anyos na siyang pangunahing requirement ng International Basketball Federation (FIBA).
Dahil sa magandang hakbang na ito ni Ross ay inamin din ni Guiao na bukas siya sa pagsali rin kay Ross bilang practice player.
Halos isang buwan na lang ang natitirang panahon para sa Gilas upang makapaghanda para sa mabigat nitong misyon sa World Cup kung saan makakalaban nito ang powerhouses na Italy, Serbia at Angola sa Pool D.
Bukod sa twice-a-week training, makakatulong din sa Natioanls ang nakapilang tune-up games kontra sa Adelaide 36ers sa Agosto 23 at 25 gayundin ang pocket tournament sa Spain kontra sa home team, Cote D’’Ivoire at Congo mula Agosto 4 hanggang 11.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nagpatuloy ang training camp ng Gilas Pilipinas sa Meralco Gym kung saan inaasahan ni Guiao ang kumpletong attendance ng kanyang 19-man training pool sa pangunguna ni naturalized player Andray Blatche.
- Latest