39th Milo Marathon National finals: Poliquit at Tabal tangka ang bagong record
ANGELES, Pampanga, Philippines – Itataya nina Rafael Poliquit at Mary Joy Tabal ang kanilang mga korona sa pagpapa-kawala sa National Finals ng 39th Milo Marathon ngayong umaga dito.
Hangad ni Poliquit na basagin ang record time ni five-time Milo Marathon King Eduardo Buenavista, ang kanyang senior officer sa Air Force of the Philippines.
Sa National Finals noong nakaraang taon ay nagsumite ang 25-anyos na si Poliquit ng tiyempong dalawang oras, 32 minuto at 26 segundo para pagharian ang men’s 42.195-kilometer race sa SM Mall of Asia Grounds sa Pasay City.
Pumangalawa ang 4-foot-10 na si Buenavista sa kanyang tiyempong 02:34:17 kasunod si Erinio Raquin (02:35:48).
“Siyempre, National Finals na ito kaya iba na ang takbuhan dito,” sabi ni Poliquit, naglaro para sa varsity athletics team ng Far Eastern University noong 2010 hanggang 2013.
Sisikapin din ni Tabal na makapagtala ng bagong record at asam na maipagtanggol ang kanyang suot na Milo Marathon Queen title sa ikatlong sunod na taon.
“Pipilitin ko ulit manalo for the third consecutive time,” sambit ni Tabal.
Sa kanyang muling pagrereyna noong nakaraang taon ay nagposte ang 25-anyos na si Tabal ng bilis na 02:51:52.
Ang mananalo sa 39th Milo Marathon National Finals ang magbubulsa sa premyong tig-P150,000.
Kung mangunguna din ang hihiranging Milo Marathon King at Queen sa open category ay matatanggap din nila ang tig-P300,000. May nakalatag ding invisible time barrier na may karagdagang premyong tig-P50,000.
Ang tatanghaling Milo Marathon King at Queen ay ipapadala sa USA para sa tsansang makalahok sa 2016 Boston Marathon.
- Latest