Paul Lee pumirma na ng kontrata sa Rain or Shine
MANILA, Philippines - Bago bumiyahe patungong Incheon, South Korea para samahan ang Gilas Pilipinas sa kampanya sa 17th Asian Games ay inayos muna ni Paul Lee ang kanyang dapat ayusin.
Sa wakas ay nakipag-usap si Paul Lee sa Rain or Shine upang ayusin ang anumang gusot sa pagitan niya at ng kanyang team na nagbigay daan para magkaroon ng kasunduan para sa kanyang panibagong kontrata sa Elasto Painters.
Imbes na isang three-year deal ay nakipagnegosasyon uli ang kampo ng kontrobersiyal na player para sa dalawang taong kontrata na nagkakahalaga ng P10.08 milyon kahapon.
Sa likod ng malawakang pagbaha sa Kamaynilaan at sa masamang panahon, sumugod ang 6-fot-1 na si Lee sa opisina ng Rain Or Shine kasama ang kanyang manager na si Lawrence Chongson para makipagkita kay Mamerto Mondragon, kinatawan ng Rain or Shine sa PBA Board of Governors.
Ang unang alok ng Rain or Shine ay isang three-year, P15.1 million deal na may maximum monthly salary na P420, 000.00.
Ngunit tumawad ang kampo ni Lee at pinagbigyan naman ito ng Rain Or Shine.
“They have a valid reason, they said that the maximum salary might go up again after two years. So they’re keeping that option open,” ani Mondragon.
Nagsimula ang isyu kay Lee nang hilingin niya kay coach Yeng Guioa na i-trade siya at hindi agad nagpakita sa practice ng team nang dumating siya mula sa kampanya ng Gilas sa World Cup sa Spain.
Kamakailan ay nakipagkita siya kay Guiao upang ayusin ang problema.
- Latest