Duwelo ng Creamline at Choco Mucho
MANILA, Philippines — Muling magtutuos ang mag-utol na Creamline at Choco Mucho matapos ang bakbakan nila sa nakaraang Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference championship series.
Nakatakda ang upakan ng nagdedepensang Cool Smashers at Flying Titans ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang laban ng PLDT High Speed Hitters at Chery Tiggo Crossovers sa alas-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Magkadikit sa liderato ang PLDT at Cignal HD sa magkapareho nilang 3-0 baraha sa itaas ng Creamline (2-0), ZUS Coffee (2-1), Petro Gazz (2-1), Chery Tiggo (2-1), Choco Mucho (2-2), Akari (2-2), Farm Fresh (1-2), Capital1 (1-3), Nxled (0-4) at Galeries Tower (0-4).
Huling biniktma ng Cool Smashers ang Akari Chargers, 26-24, 25-17, 25-16, tampok ang pagbabalik ni three-time PVL MVP Tots Carlos.
Dahil sa knee injury ay hindi nakalaro si Carlos sa nakaraang PVL Reinforced Conference at sa Invitational Conference.
Nauna na ring nagbalik-aksyon si Alyssa Valdez.
“Siyempre, sa team, mahaba ‘yung season, so kailangan naming mag-ikot ng mga tao para hindi mauubos ‘yung mga tao. Ginagawa namin ‘yung best namin para makabalik agad,” sabi ng 26-anyos na si Carlos.
Nakalasap naman ang Flying Titans ng 18-25, 18-25, 25-20, 22-25 pagkatalo sa HD Spikers sa huli nilang laro.
Bukod kina Carlos at Valdez ay muli ring aasahan ng Creamline sina Michele Gumabao, Jema Galanza at Bea De Leon katapat sina Sisi Rondina, Royse Tubino, Dindin Santiago-Manabat at Kat Tolentino ng Choco Mucho.
- Latest