Yulo at iba pa pararangalan sa PSA Annual Awards Night Chris Co
MANILA, Philippines — Kikilalanin ang natatanging husay at galing ng mga Pinoy athletes sa gaganaping Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa Enero 27 sa Manila Hotel.
Matikas ang ratsada ng mga Pilipinong atleta sa nakalipas na taon partikular na sa 2024 Paris Olympics kung saan nag-uwi ang delegasyon ng dalawang ginto at dalawang tansong medalya.
Hindi malilimutan ang tagumpay ni gymnast Carlos Edriel Yulo na kumana ng dalawang gintong medalya sa Paris Olympics kung saan naghari ito sa men’s floor exercise at men’s vault.
Ito ang pinakamatagumpay na kampanya ng Pilipinas sa Olympic Games.
Nauna nang nagbigay ng gintong medalya si weightlifter Hidilyn Diaz noong 2020 Tokyo Games sa Japan.
Maliban sa dalawang ginto ni Yulo, nagbulsa rin ng tig-isang tansong medalya sina female boxers Nesthy Petecio at Aira Villegas.
Pangungunahan nina Yulo, Petecio at Villegas ang mga gagawaran ng parangal sa PSA Awards Night kung saan kikilalanin ang Athlete of the Year.
Bahagi rin ng programa ang pagluklok ng atleta sa PSA Hall of Fame at ang pinakahuling naisama ay si track and field legend Lydia De Vega.
- Latest