PLDT sinibak ang Petron patungo sa semifinals
MANILA, Philippines - Ginamit ng PLDT Home TVolution Power Attackers ang kanilang karanasan para patalsikin ang Petron Lady Blaze Spikers, 16-25, 25-21, 25-18, 25-22, sa quarterfinals ng 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sina Lou Ann Latigay at Sue Roces ang nakitaan ng lakas sa pag-atake para sa Power Attackers at pinuwersa ang Lady Blaze Spikers sa 34 errors para umabante sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Lalabanan ng PLDT ang pumangalawang RC Cola-Air Force Raiders sa semifinals sa Miyerkules.
“They showed that they have the experience and the desire to win this match,” pahayag ni PLDT coach Roger Gorayeb.
Si Latigay na dating manlalaro ni Gorayeb sa San Sebastian ay gumawa ng 18 puntos sa atake, habang may 14 puntos si Roces.
Si Dindin Santiago ang nangunang muli para sa Petron sa kanyang 28 puntos, tampok ang 23 kills, 4 blocks at isang ace.
Sina Carmina Aganon at Jozza Cabalsa ay may 12 at 10 puntos.
Lamang ang Petron sa blocks, 15-3, pero ininda nila ang napakaraming errors.
Ang AirAsia Flying Spikers at Cagayan Valley Lady Rising Suns ay naglalaro pa at pinaglalabanan ang semis seat.
Makakatapat ng magwawaging koponan ang Generika-Army Lady Troopers.
- Latest