Quarters tangka ng Talk ‘N Text, San Mig Coffee
MANILA, Philippines - Kapwa hangad ng Mixers at ng Tropang Texters na makamit ang unang dalawang quarterfinal tickets, habang magpaparada naman ang Batang Pier ng kanilang mga bagong hugot na players at magpipilit namang makabangon ang Aces mula sa 51-point loss kamakalawa.
Sasagupain ng nagdedepensang San Mig Coffee ang bumubulusok na Alaska ngayong alas-8 ng gabi matapos ang banggaan ng Talk ‘N Text at Globalport sa alas-5:45 ng hapon sa 2014 PBA Governors’ Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kasalukuyang nasa isang three-game winning streak ang Mixers ni head coach Tim Cone at kasalo sa liderato ang Talk ‘N Text at Barangay Ginebra.
Ang huling naging biktima ng Mixers ay ang Gin Kings, 102-90, tampok ang unang pagharap ni Cone sa dati niyang player at assistant na si Jeffrey Cariaso bilang mentor ng Ginebra.
Muling ibabandera ng San Mig Coffee sina import Marqus Blakely, two-time PBA Most Valuable Player James Yap, PJ Simon, Marc Pingris at rookie Ian Sangalang.
Kamakalawa ay pumasok ang Mixers sa trade kung saan nila nakuha sina Ronnie Matias at 6-foot-8 Yousef Taha ng Batang Pier bilang kapalit nina Yancy De Ocampo at Val Acuna.
Natikman naman ng Aces ni rookie mentor Alex Compton ang kanilang pangatlong sunod na kamalasan mula sa 51-point loss, 72-123, sa Rain or Shine Elasto Painters.
Sa unang laro, target din ng Talk ‘N Text ang kanilang ikaapat na sunod na panalo sa pagharap sa Globalport, nasa isang three-game losing slump ngayon.
Itatapat ng Batang Pier sina balik-import Dior Lowhorn, Jay Washington, Alex Cabagnot, Eric Menk at rookies Terrence Romeo at RR Garcia.
- Latest