Krusyal na panalo tangka ng UE sa UP
MANILA, Philippines — Walang ibang iniisip si Wello Lingolingo kundi ang tulungan ang University of the East na maipanalo ang kanilang huling laro sa eliminations ng UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament upang sumampa sa semifinals.
Kailangan kalusin ng Red Warriors ang last year’s runner-up University of the Philippines sa kanilang laro sa alas-5:30 ng hapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
Tangan ang 6-7 karta, nasa pang-apat na puwesto ang UE sa team standings pero may tsansa ang Adamson University (5-8) na nasa pang-lima kaya kailangan manalo ng Recto-based squad upang masiguro ang paglaro sa Final Four.
Pakay ni Lingolingo at ng UE na tuldukan ang kanilang four-game losing skid upang hindi na dumaan sa playoff sa No. 4.
Yumuko ang Red Warriors sa Ateneo de Manila University, 67-71 noong Miyerkules ng gabi sa UST Quadricentennial Pavilion.
Panigurado na sa magic four ang defending champions De La Salle University na nasa tuktok ng liderato tangan ang 12-2 record, pangalawa ang Fighting Maroons na hawak ang 10-3 card habang nasa No. 3 ang University of Sto. Tomas sakmal ang 7-7 baraha.
- Latest