Worshipful Master kampeon sa Grand Derby
MANILA, Philippines — Naging makulay ang araw ng connections ng Worshipful Master matapos sikwatin ang korona sa PCSO “Grand Derby” race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Kumalma si jockey Lester De Jesus sa largahan, hinayaan nitong mauna ang matulin na Every Sweat Counts at dinikitan lamang nito ang liyamadong Batang Manda sa segundo puwesto.
Lamang ng apat na kabayo ang Every Sweat Counts sa unang dalawang daang metro ng karera, nasa pangalawa ang Batang Manda at nakadikit sa kanya ang Worshipful Master habang nasa pang-apat ang Bea Bell.
Sa kalagitnaan ng karera ay nasa unahan pa rin ang Every Sweat Counts pero habang papalapit sa far turn ay kumakapit na ang Batang Manda at sinasabayan naman siya ng Worshipful Master.
Nagkapanabayan ang apat na kabayo na Batang Manda, Worshipful Master, Every Sweat Counts at Bea Bell sa far turn kaya naman naging mainit ang labanan.
Pagdating ng huling kurbada ay kumuha ng unahan ang Worshipful Master na dumaan sa balya habang nasa bandang labas si Batang Manda at Bea Bell.
Tinawid ng Worshipful Master ang finish line ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang Bea Bell, tersero ang Batang Manda habang pumang-apat ang High Dollar
Nilista ng Worshipful Master ang tiyempong 1:54.2 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si James Anthony Rabano ang P1.8M na premyo.
- Latest