Puwede nang mag-apply para sa PBA Rookie Draft
MANILA, Philippines - Tatanggap na ang Philippine Basketball Association (PBA) ng mga aplikanteng may edad 21-anyos para sa 2013 PBA draft sa November 3.
Dapat ay naabot na ng isang player ang required age sa pagbubukas ng 2014 Season sa huling linggo ng Nobyembre para makapag-apply.
Kung ang isang rookie hopeful ay mas bata ng 21-anyos sa Nobyembre 17, kailangan pa siyang makapasa sa requirement upang mapabilang sa huling Draft pool.
Dapat siyang nakatapos ng four-year college course.
Ang bagong eligibility requirements ay inaprubahan ng PBA Board of Go-vernors noong Marso.
Sa nakaraang mga taon, ang mga college undergraduates ay dapat 23-anyos sa Draft day para maging eligible.
Ilan sa mga inaasahang sasali sa PBA Draft ay si PBA D-League center Greg Slaughter, PBA D-League at NCAA MVP Ian Sangalang at ang mga Ateneo frontliners na sina Nico Salva at Justin Chua.
Posible na ring lumahok sina RR Garcia, Ronald Pascual, Carlo Lastimosa at Jett Vidal.
Wala pang desisyon si two-time UAAP MVP Bobby Ray Parks kung aakyat na sa PBA.
Noong nakaraang taon, hinirang ng Petron si big man June Mar Fajardo bilang No. 1 overall pick.
- Latest