Sacramento Kings sinibak si coach Mike
SACRAMENTO — Sinibak ng Kings si coach Mike Brown halos hindi pa nangangalahati sa kanyang ikatlong season sa koponan.
Kasalukuyang nasa isang five-game losing slump ang Sacramento para sa kanilang 13-18 record sa Western Conference.
Tinawag ni King’s general manager Monte McNair ang kanilang aksyon bilang isang “difficult decision” at pinasalamatan si Brown sa kanyang nagawa para sa naging kampanya ng tropa.
Si assistant Doug Christie ang hiirang na interim coach at unang gigiyahan ang Sacramento sa pagsagupa sa Los Angeles Lakers.
Naging assistant si Christie sa Kings simula noong 2021-22 at naglaro para sa Sacramento ng limang taon sa kabuuan niyang 15 NBA seasons.
Sinasabing tinawagan ng Kings si Brown habang nagmamaneho ang huli patungo sa kanilang team plane para sa biyahe sa Los Angeles kung saan nila lalabanan ang Lakers ngayong gabi.
Laglag ang Sacramento sa pinakamahaba nilang kamalasan sapul noong Enero ng 2022.
Umaasa ang Kings na magtatapos sila sa top six sa West at makaiwas maglaro sa play-in tournament makaraang makuha si DeMar DeRozan sa isang sign-and-trade deal sa Chicago Bulls para isama kina De’Aaron Fox, Domantas Sabonis at Keegan Murray.
Tumanggi si Fox, nasa second-to-last year ng kanyang five-year, $163 million contract, na pumirma sa isang extension sa offseason.
- Latest