Biado sinargo ang World 9-Ball crown

MANILA, Philippines — Tumumbok ng mahalagang panalo si Pinoy cue artist Carlo Biado matapos patalsikin sa trono si Fedor Gorst, 15-13 sa Race-to-15 finals ng 33rd World Pool Championship na nilaro sa Green Halls sa Jeddah Saudi Arabia, kahapon ng madaling araw.
Sulit ang pagpupuyat ng mga Filipino billiards fans dahil nasikwat ng 41-year-old na si Biado ang pangalawang WPA World 9-Ball title at ibulsa ang tumataginting na $250,000 premyo.
Sa kabuuan, pangatlong world title na ito ni Biado, nakopo ang una noong 2017 WPA 9-Ball at siya ang reigning 2024 World Ten-Ball Championship ruler.
Hindi nasira ang loob ni Biado kahit naunahan ito ng dalawang racks, 0-2 sa kaagahan ng bakbakan, nanatiling naka-pokus sa laban at unti-unti nitong inaagaw ang bentahe para makuha ang titulo sa $1M prize fund tournament.
Naunahan si Biado ni Gorst sa unang dalawang racks nang maghabol ang una, 0-2, pero hindi nasira ang kanyang loob at nakipag-dikdikan ito sa mga natitirang laban.
Nakatapat ni Biado ang kababayang si Bernie Regalario sa semifinals kung saan ay sinargo nito ang 11-3 panalo sa kanilang Race-to-11 match kaya umusad ito sa championship round.
Habang binalibag naman ni Gorst sa last 4 si Kledio Kaci ng Albania, 11-7.
Nasilo ni Gorst ang $100,000 second place prize habang tig-$50,000 ang dalawang semifinalists na sina Regalario at Kaci.
Paghahanda naman ni Biado ang susunod na sasalihang international tournament, asahang sasandalan nito ang kanyang momentum.
- Latest




















