SMI pinarangalan ng DepEd-12
KORONADAL CITY, Philippines — Tumanggap ng citation plaque mula sa Department of Education-12 ang isang pribadong kumpanyang may 1,354 college scholars mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Central Mindanao.
Sa ulat sa mga himpilan ng radyo rito, at ilang bayan sa South Cotabato nitong Lunes, mga senior regional education officials, kabilang sa kanila si Ismael Ngingit, Jr., DepEd-12 focal person for programs partnership cooperation, ang naggawad ng parangal sa Sagittarius Mines Incorporated, o SMI, sa seremonyang ginanap sa The Farm sa Koronadal City, South Cotabato nitong nakalipas na linggo.
Maliban sa SMI, ilang non-government organizations at volunteer groups din na suportado ang mga education programs ng DepEd-12 ang tumanggap ng mga citation plaques mula sa regional office ng ahensya sa naturang okasyon.
Ayon kay Ngingit, kinikilala ng DepEd-12 ang pagsisikap ng SMI na makapag-paaral ng mga estudyanteng mula sa mga mahirap na pamilya kaugnay ng corporate social responsibility program nito.
Ang citation plaque para sa SMI ay tinanggap ng dalawang opisyal ng kumpanya na sina Corporate Communications Superintendent Joseph Palanca at ni supervisor Abner Mendoza, Jr.
Ayon sa mga education officials at ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, chairperson ng Regional Development Council 12, nagpapaaral ang SMI ng may 1,354 college students sa kabila nang hindi pa ito nakakapagsimula ng copper at gold mining sa Tampakan, South Cotabato matapos bigyang pahintulot ng national government at ng Blaan tribal council sa naturang bayan.
- Latest