Sub-leader ng P4 bilyong casino junket scam, timbog!
Bumiktima ng 10K investors sa Cordillera
BAGUIO CITY, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang isang sub-leader ng “casino junket scam syndicate” na nakakulimbat umano ng nasa P4 billion “investments” mula sa 10,000 biktima sa Cordillera kasunod ng ilang buwang surveillance.
Tinukoy ng pulisya ang dinakip na si alyas “Master”, 41, sub-leader ng tinaguriang “Team Z” casino junket group. Siya ay naaresto sa Bgry. Kabayanihan, Baguio City nitong Nobyembre 28 ng intelligence operatives ng Baguio City Police na armado ng arrest warrant para sa “syndicated estafa” na inisyu ng Baguio Regional Trial Court.
Si “Master” na nahubaran sa pangalang “Mark Stephen Alzona”, nakatala bilang number 3 top most wanted person ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Cordillera, ay kabilang sa 18 na ring-leaders ng casino junket group na pormal na nakasuhan sa RTC Branch 60, dito, dahil sa syndicated estafa, kasama pa ang ibang akusadong magkapatid na sina Hector at Hubert Pantollana, isang Virgino Martin Casupanan, Hazen Humilde, Jerry J. Cuapingco, Hein Humilde at marami pang iba.
Walang piyansa na inirekomenda ang korte sa pansamantalang kalayaan ni “Master”.
Nauna rito, si Hector L. Pantollana, na tumakas sa bansa nitong nakalipas na taon, ay dineport pabalik sa Pilipinas matapos na mahuli ng Interpol sa Bali, Indonesia habang patungong Hong Kong.
Si Pantollana kasama ang mga ring-leaders ng casino junket group ay nahaharap sa dosenang Warrants of Arrest para sa syndicated estafa sa Baguio City, habang daan-daan pang biktima ng sindikato ang nakatakda ring maghain ng kaso sa National Capital Region o Metro Manila.
Magugunita nitong Agosto 2023, nasa 300 “Team Z” victims ang bumaha sa tanggapan ng National Bureau of Investigation-Cordillera at naghain ng kaso laban sa mga nabanggit na akusado.
Tanging sina Pantollana at Alzona pa lang na sangkot sa multi-billion casino investment scam ang nahuhuli ng mga awtoridad.
- Latest