Balsa na sinasakyan ng pamilya lumubog: Misis patay, 2 ligtas
MANILA, Philippines — Nalunod ang isang fish vendor na ginang habang masuwerte namang nakaligtas ang mister nito at anak na lalaki makaraang aksidenteng lumubog ang balsang kanilang sinasakyan nang tangayin ng malakas na agos sa Abra River, Brgy. San Mariano, Bantay, Ilocos Sur sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Marce kamakalawa.
Sa ulat ng Ilocos Sur Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO ) , kinilala ang biktima na si Mary Ann Daria, 47-anyos, residente sa Brgy. San Mariano sa bayang ito.
Samantalang masuwerte namang nakaligtas ang mister nitong si Noli at anak na si Edward.
Base sa report, ang nasabing pamilya ay sumakay sa balsa at tumatawid sa ilog para hanapin ang kanilang mga alagang kambing sa kabilang pampang nang mangyari ang insidente.
Dahilan sa malakas na agos ay lumubog ang balsa na gawa sa kawayan kung saan nagawa naman ni Edward na masagip ang ama pero ang kaniyang ina ay tuluyang tinangay ng malakas na agos.
- Latest