3 huli sa 13 bomba, mga baril sa entrapment
PLACER, Masbate, Philippines — Kalaboso ang tatlo katao kabilang ang dalawang magkamag-anak matapos silang mahulihan ng mga pampasabog at baril sa ginawang entrapment operation sa Purok-6, Brgy. Pasiagon sa bayan ng Placer, Masbate kamakalawa ng hapon.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa republic act 9516 at 10591 o illegal possession of firearm and explosives ang mga suspek na sina Ranil Noynay Piveda, 43-anyos, electronic technician; Arnel Dorimon Piveda, 20-anyos; kapwa residente ng naturang lugar; at isang Eldie Balana Arcenal, 53-anyos, street sweeper, ng Purok 7, Brgy. Villa Inocencio, Placer, Masbate.
Sa ulat na nakarating sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-4:50 ng hapon sa tulong ng mga kasapi ng Regional Intelligence Unit 5, 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army, 96 Military Intelligence Company, PNP Special Action Force, Placer Municipal Police Station at Masbate Provincial Intelligence Unit ay inilatag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang entrapment operation laban sa dalawang Piveda.
Agad dinakma ang mga target na suspek makaraang makuhanan ng mga pampasabog.
Gayunman, habang inaaresto ang dalawa ay lumapit at sinubukang makialam ni Arcenal kaya pati siya ay dinakip ng mga operatiba.
Nang tingnan ang dalang sling bag ni Arcenal ay nakita ang isang kalibre 45 baril at mga bala.
Nabawi rin sa mga suspek ang 13 improvised explosive device o bomba, isang kalibre 45 baril, mga bala at magazine.
- Latest