Lugar sa Libon, Albay idineklarang ‘No Man Zone’
MANILA, Philippines — Dahil sa peligro ng mapaminsalang landslide, idineklarang “no man zone” ang Zone 1-4 sa Brgy. Burabod, Libon, Albay matapos ang matinding pinsalang iniwan ng bagyong Kristine sa Bicol Region.
Sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), bawal tumira o magtayo ng bahay o anumang imprastraktura sa Zones 1-4 dahilan sa “heightened risk” sa paglambot ng lupa rito.
Ang Bicol Region partikular na ang Camarines Sur at Albay ang pinakamatinding napinsala ng bagyong Kristine sa malawakang pagbaha na lagpas tao at halos bubungan na lamang ng mga bahay ang makikita sa nasabing mga lalawigan.
“We have warned that building homes or infrastructure in these zones poses serious danger, as the area has been deemed unsuitable for habitation following geological assessments,” anang MDRRMO.
Tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang Zones 1-4 matapos makitaan ng palatandaan ng peligro na lubhang delikado na konting pag-ulan lamang, tuluyang guguho ang lupa mula sa bundok.
Samantala, bukod rito, ang rehiyon ay may aktibong fault line mula Buga, Nogpo at Bonbon na daraan sa Burabod patungong San Vicente at Linao na mapanganib sa rehiyon.
Kaugnay nito, inirekomenda ng MDRRMO na ang mga residente ay ihanap ng relokasyon sa mas ligtas na lugar.
Pinayuhan ng MDRRMO, ang mga residente na iprayoridad ang kaligtasan at iwasang pumasok sa “restricted zones” lalo na kapag malalakas ang mga pag-ulan.
- Latest