Intel officer ng NPA dedo sa shootout
SOUTH COTABATO, Philippines — Bumulagta ang isang wanted na intelligence officer ng communist terrorist group (CTG) matapos na makipagbakbakan sa puwersa ng militar at pulisya sa Barangay Cannery Site, Polomolok, lalawigang ito, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Brig. Gen. Roy Galido, commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade ang nasawi na si John Nebris Omega, may mga alias na “Parts”, “Bords”, “Albay” at “Pards”, intelligence officer ng CPP-NPA Komisyon Mindanao (KOMMID) at dati ring kasapi ng Regional Operations Command (ROC-R2) sa ilalim ng Intelligence Unit ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC).
Nahaharap ang suspek sa kasong kidnapping, serious illegal detention at robbery na naisampa sa Regional Trial Court, 11th Judicial Region Branch 14, Davao City.
Sinabi ni Lt. Colonel Zandro Alvez, commanding Officer ng 5th Special Forces Battalion, ala-1:15 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng 5th Special Forces Battalion, CIDG at Polomolok Police ang hideout ni Omega subalit nanlaban umano ang suspek dahilan para gumanti ng putok ang mga otoridad. Tinamaan ng bala si Omega kaya isinugod sa ospital pero ‘di na umabot nang buhay.
Narekober sa crime scene ang gamit nitong Caliber .45 pistol at mga terrorist propaganda materials.
Napag-alaman na sangkot si Omega sa iba’t ibang mga pag-atake sa mga himpilan ng pulisya at mga detachment ng mga sundalo kabilang na rito ang CAA detachment sa Sitio Kamaruyan, Brgy. Tagugpo, Lupon, Davao Oriental noong 2004 at 2005; pagsalakay sa Magpet Police Station noong 2005; raid sa Dangcagan Police Station noong 2007, Banay-Banay Police Station noong 2008 at maraming iba pa.
- Latest